Sa Israel Lang Ba Nakipagtipan Ang Dios Kaya Sila Lamang ang Dapat na Sumunod sa Sampung Utos?

Deuteronomio 5:3 "Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito."

1788 0

Ang talatang Deuteronomio 5:3 ay malimit ginagamit ng mga mangangaral na ayaw sa Sampung Utos sa dahilang mababasa doon ang mga katagang “hindi pinagtibay ang tipang ito sa ating mga magulang….kundi sa atin, sa mga nabubuhay ng araw na ito”. Kaya ang kanilang conclusion ay para lamang talaga sa mga Israelita ang Sampung Utos, at hindi sa Kristiano. Pag-aralan po natin ang katotohanan sa talatang ito.

“Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito.” Deuteronomio 5:3

Ang ‘Tipan’ sa Deut 5:3 ay ang Sampung Utos?

Bagaman ang Sampung Utos ay tinawag na ‘tipan’ o ‘covenant’ sa Deut 4:13 ay iba pa rin iyan sa isa pang ‘tipan’ o ‘covenant’ na isang kaganapan na naitala at mababasa sa Exodus 19:1-8. Bagaman isang salita ang ginamit, ‘tipan o covenant’, ay mayroon itong tinatarget na magkaibang kaisipan ayon sa conteksto ng talatang pinag-uusapan. Ang isang pakahulugan ay ang  “covenant na Sampung Utos”–na isang bagay, at ang isang pang pakahulugan ang ang “covenant na kaganapan”–agreement o tipanan o covenant.

Paano natin matitiyak na ang ‘tipan’ na binabanggit sa Deut 5:3 ay hindi ang Sampung Utos? Kunin po natin ang conteksto ng talata:

Deut 5:2 “Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.”

Dito po ay binabangit ang akto ng tipanan sa salitang nakalipas na: nakipagtipan. Kaya malinaw na hindi ito isang bagay na tulad ng dalawang tapyas na bato, bagkus ay isang akto.

Sa English ito ay isinulat ng “…made a covenant with us..”. Kapag sinabi po nating “with” o “made with” ay nangangahulugan ito na isang kaganapan kasama ang isa pang partido. Samakatuwid, ang ‘covenant o tipan’ na pinag-uusapan ayon sa contexto ay hindi isang bagay (Sampung Utos) kundi isang akto—tipanan o covenant.

Ang Sampung Utos ay basehan ng tipanan

Sa mga susunod na talata ay mababasa ang Sampung Utos upang ipakita ang basehan ng tipanan, na kapag ang mga iyon ay sinunod ay matutupad ang walang hanggang pangako ng Dios sa bawat sumasampalataya sa Kanya, at iyon ay walang iba kundi ang “at Ako’y kanilang magiging Dios, at sila’y magiging bayan ko”.

Bakit sinabing “hindi ito pinagtibay sa ating mga magulang…”?

Dahil ang pangako ng Dios kay Abraham, sa paraang pakikipagtipan sa Genesis 15:18, ay maisasakatuparan lamang kapag nariyan na ang tinutukoy na “maraming binhi” o “bayan”. Doon lamang sa panahong iyon maipagtitibay ang tipanan dahil buhay na ang sinasabing “mga binhi ni Abraham” na walang iba kundi ang bayang Israel. Hindi maaaring pagtibayin ang isang tipanan kung wala pa o patay na ang isang partido ng tipanan.

Walang Salitang ‘Lamang’ sa Deut 5:3

Dapat po nating maunawaan agad na walang salitang “para sa kanila LAMANG” na mababasa sa Deut 5:3. Manapa, kung itutuloy ang pagbabasa hanggang sa Deuteronomio 29:13-15 ay matutunghayan natin ang kabaligtaran ng nais nilang itanim sa ating isipan:

“Upang kaniyang itatag ka sa araw na ito na isang bayan, at upang siya’y maging iyong Dios, na gaya ng kaniyang sinalita sa iyo, at gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob. At hindi lamang sa inyo ginagawa ko ang tipang ito at ang sumpang ito; Kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, at gayon din sa hindi natin kasama sa araw na ito..”

Sa pangalawang talata ay mababasa natin letra-por-letra ang katagang “lamang”, pero malinaw na hindi ito pumapabor sa unawa ng mga mangangaral na ayaw sa Sampung Utos, dahil sa talatang nabanggit ay hindi lang pala para sa mga buhay noon sa Horeb at Moab maaaring ipagkaloob ang tipan ng Dios.

Ang Dios ay nakikipagtipan rin sa kahit anong lahi

Sa katunayan pagkalipas ng daang taon ay mababasa natin sa Jeremias 31 ang pagnanais ng Dios na makipagtipang muli. Ito ay sa dahilang hindi natupad ng Israel ang kanilang pangako sa lumang tipanan.

Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako’y makikipagtipan ng panibago sa sangbahayan ni Israel, at sa sangbahayan ni Juda:

Hindi ayon sa tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga magulang sa araw na aking kinuha sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Egipto; na ang aking tipan ay kanilang sinira, bagaman ako’y asawa nila, sabi ng Panginoon.

Kundi ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sangbahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan;

At hindi na magtuturo bawa’t isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawa’t tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka’t makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagka’t aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.

Bagaman binanggit na ang panibagong pakikipagtipan ay sa Israel at Judah pa rin ay nauunawaan ito ng marami na ito ay tumutukoy sa spiritual Israel, o sa kahit sinong gustong makipagtipan sa Dios anumang lahi o bansa siya nakabilang. Ang hulang ito na isinulat ni Jeremias ay ginamit ni Pablo para sa mga Kristiano na mababasa sa Hebreo 8:10. Si Pablo ay tinaguriang apostol ng Dios para sa mga Hentil (hindi Israel). Hentil ang tawag ng mga Judio sa ibang lahi, kabilang na dito ang lahing Pilipino.

Sinumang nais sumunod kay Kristo ay papasok rin sa tipanang binanggit ni Pablo at Jeremias, at ibibilang sa lahi ni Abraham.

“Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka’t kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” Galatians 3:26-29 ADB.

Sa bagong tipanan ay parehas pa ring kautusan ang pagbabasehan

Iisang kautusan ang pinagbabasehan ng tipanan maging sa luma o bagong tipanan. Walang binanggit ang talata na “bagong kautusan”. Ang bago ay tipanan, hindi kautusan.

Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso’y aking isusulat ang mga ito. At ako’y magiging Dios nila, At sila’y magiging bayan ko…” Hebreo 8:10 ADB.

In this article

Join the Conversation